Friday, February 4, 2011

Mga Sulat ni Kristian: Si Payaso

 Mahal kong  Binibining. K,

Iilang taon na rin pala ang ating pinagsamahan. Hindi ko lubos akalain na magkasama na pala tayo sa halos siyam na taon. Naging magkaklase tayo simula sa kindergarten. Sa totoo lang ay hindi ko talaga maalala kung ano ang mga ginagawa natin sa ilang taong iyan. Patawad pero halos lahat ng aking kabataan ay hindi ko makuhang maalala ng ensaktong-ensakto.

Subalit, iisa lang ang naaalala ko sa iyo. Isa ka sa mga malalapit kong mga kaibigan. Sa tingin ko rin ay mas malapit ang loob mo sa akin kumpara sa iba nating mga lalakeng kaklase. Minsan nga ay napaisip ako na ang importansyang ibinigay mo sa akin ay higit pa sa pagpapahalagang ibinigay ko sa iyo. Sa yaong persepsiyon ay nagkaroon din ako g tanong. Pitong taon din tayong nagkasama noon at pitong taon din akong napaisip sa aking mga impresyon.

Lumipat ako ng paaralan noon. Hindi na tayo nagkita. Isang taon ay naputol ang ating komunikasyon at isang taon ay tila nalimutan ko na ang tanong na kaytagal nang bumabagabag sa aking isipan.

Tayo na lamang ay parehong nabigla sa muli nating pagkikita sa isang prestihiyosg hayskul sa ating lugar. Walang masyadong nabago sa 'yo maliban nalang sa pagiging malapit natin sa isa't isa. Hindi pa naman tayo magkaklase nun.

Muli ay lumipat na naman ako sa ibang eskwelahan. Hindi ko kinaya ang pressure sa naturang paaralan. Mga ilang taon na naman ang pagkaputol ng ating komunikasyon. Tatlong taon din ang lumipas, tatlong taon muli na hindi tayo nagkita. Muli na naman ay naging magka-iskulmeyt tayo ngunit ngayon ay sa kolehiyo. Minsan pa nga kitang biniro na "Sinusundan mo ba ako? Kasi maging sa kolehiyo ay pareho pa tayo ng departamento." Pareho lang tayong natawa noon. Biro nga naman iyon.

Ngayon, ay magkaklase na tayo. Halos magka-block pa tayo. Pinalad nga lang naman akong pumasa sa isa sa mga asignatura natin. Dahil magkaklase tayo sa halos lahat ng subjects ay naging malapit tayo ulit sa isa't isa. Sa ilang minuto ng ating pagsasama sa ating mga bakantend oras ay nagkwekwentuhan tayo sa ating kabataan at mga kalokohan natin sa elementarya. Dahil din siguro sa ating pagiging malapit sa isa't isa ay isa ako sa mga napili mong sumbungan ng iyong problema at isa sa mga tagapayo mo sa iyong buhay pag-ibig kahit na alam mong ako ay NGSB (tama, walang pang babaeng nagkamali na ako'y ibigin.).

Ako ay nagsilbing iyong tagabigay ng opinyon ukol sa mga kalalakihan, lalo na sa iyong nobyo ng mga panahong iyon. Ako na lamang din ang nabigla sa desisyong ninyong maghiwalay na lamang ng landas. Mahirap din kasi pareho ko kayong kaibigan.

Ngunit, okey na siguro ngayon. Sabi mo ay okey ka na. hindi ka bitter. Hindi ka na nasasaktan o nagagalit 'pag siya'y iyong nakikita. Sabi mo may panibago ka ng inspirasyon. Hindi naman ako nagtaka. Kilala ko naman ang mga crushes mo. Nabigla na lamang ako nang iyong sambitin ang iyong panibagong inspirasyon na iyo pang inilihim sa isang alyas na Payaso. Sabi mo pa eh kilala ko ito at lagi pa nating kasama. Ang ipinagtataka ko lamang eh kung bakit mo pa kailangang ilihim ito sa isang codename. Lagi mo pang itinatanong sa akin na halata naman talaga kug sino si Payaso. Napaisip pa tuloy ako. Limang lalake lang namin kaming laging mong kasama sa ngayong semester. Nagsimula ako mag-eliminate ng mga tao pero hindi ko pa rin kayang hulaan kung sino. Hindi na ako naabala pa dito. Hindi naman kailangan na malaman pa namin kung sino ang nagpapasaya sa iyo basta't napasaya ka lang niya ay ayos na.

Mga ilang oras din matapos mong sabihin sa akin ang ukol kay Payaso eh sumindi ang bumbilya sa aking utak. Hindi kaya...hindi kaya si Payaso ay si... Hindi, hindi naman siguro maaari ang aking iniisip. Pero wala akong magagawa. Tila ay wala ng iba pang maaaring maging si Payaso. Sa oras na iyon ay natuldukan at nabigyan na rin ng linaw ukol sa aking impresyon na aking nabuo labindalawang taon na ang makalipas.

Sa ilang mga araw ulit ng ating pag-uusap ay tila lagi mong ibinubukas ang topic kay Payaso. Tinatanong mo ako kung kilala ko na ba. Kahit na mayroon na akong ideya eh nagsinungaling akong hindi ko alam. Tinatanong mo pa ako kung ayos lang ba na isa sa mga kaibigan ay may gusto sa iyo. Ang naging sagot ko naman sa 'yo ay okey lang ito.

Ngunit, ang katotohanan niyan ay hindi. Siguro noon ay iyon ang naiisip ko pero ngayon ay alam kong mali pala ang pagkakahula ko sa aking pakiramdam. Nakakailang din pala ang ganoon. Parang nakakailang din pala na malamang mong ikaw ay pinapaginipan ng isa iyong kaibigan.

Sana ngayon ay masaya ka sa iyong mga inspirasyon. Pero sana din ay hindi mo na ako tatanungin kung kilala ko si Payaso. Nais ko sanang ipaalam sa iyo na kilala ko na kung sino si Payaso. Subalit, ayokong iyong malaman na alam din pala ni Payaso kung sino siya. Oo, napaalam ko na kay Payaso ang tungkol sa iyo. Sana lang ay hindi mo na ako pipilitin pa na ipaalam sa iyo na kilala ko na si Payaso at na kilala ka na rin ni Payaso.

Nagmamahal,

Ginoong P.

[langya! mahaba din pala ang na-type ko. Okey na rin. kahit papaano ay nahimasmasan ako. Nakuha niyo sana ang nais kong ipahiwatig. :) ]

0 investigated:

Post a Comment

Please comment now or else...(nah..nothing's really gonna happen)

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...