Tuesday, February 8, 2011

Kampanya

Hahay! Nakakastress ang araw ngayon. Kasi naman nagsunog po ng kilay ang inyong lingkod. Sa madaling sabi, ako ay madaling araw nang nakatulog. Ano pa? Eh di na-late ako. haha. Sino ba naman ang hindi? Ala una ng umaga na ako natulog at ang unang klase ko pa ay sa alas siyete ng umaga. Isa pa, umulan pa ng napakalakas. Well, hindi naman ako masyadong affected sa pagkakahuli sa klase. Pagdating ko pa nga, mga 7:05 eh kakasulat pa lang ni Sir Iggy sa whiteboard. Ibig sabihin ay kakarating lang din niya.

Tapos, isa pa itong Case Study namin sa Rel 61 (Christian Ethics). Ang grup namin ang magpepresenta sa buong linggo. Isa din iyan sa dahilan kung kaya't ako ay inumaga na sa pagtulog. Dahil bakante naman ang oras ko mula 7-8AM ay ginamit ko na lang ito para tapusin ang aming pinkamamahal na powerpoint presentation tungkol sa prostitusyon (ang topic namin). Medyo natotola (tola as in tulala) ako kasi nilagyan ko pa ng introduksyon na yung tipong para-maiba style. Ikinumpile (as in compile) ko ang iba't ibang slang terms, minsan derogatory terms ng prostitute. Siguro madali lang ito kung isipin. Pero ano pa, nahirapan ako, kasi naman inisa-isa ko pa ang pag-animate sa mga salita. Akalain mo, apatnapu't limang salita pala ang ginamit ko dun.

Hay! Medyo nawawala ata ako sa aking pamagat. Sige sige, ito na ang kwento sa likod ng pamagat.

Eleksiyon na naman dito sa aming kolehiyo. Ano pa, eh di medyo dumada-moves ang mga kandidato para makuha ang inaasam-asam na boto. Ako, kilala ko na sino ang dapat kong iboto. Hindi ko lang ito sasabihin, medyo halata naman eh at tsaka wala naman  siguro nakakakilala sa kanila dito. Isa pa eh nag-aa undercover na naman ako. Ang hindi ko lang nagustuhan sa eleksiyong ito ay may isang partido na medyo hindi sigurado ang kanilang mga kandidato. Yung tipong ang alam mong tatakbo bilang mayor Pedro at si Juan ang sa bise mayor tapos sa ibang source naman ay si Juan naman ang mayor at si Pedro ay naging bise o di kaya seckretarya blablabla. Hindi ko ito nagustuhan kasi parang sila ay tumakbo lamang para mayroon lang kumalaban sa isang partido. Kumbaga, para walang winner by default. Masyado hindi sigurado ang kanilang partido, paiba-iba naman kasi ang naririnig ko. (Isa din pala ito sa aking ginagawa. Ako ay nakikinig kung sino ang tatakbo at sino ang hindi.) Tsaka, ang partidong aking itinutukoy ay medyo hindi ako nakakarelate sa kanila. Yung ano ba, mahihirapan kang sumabay. Medyo dominating kasi sila. And I repeat, dominating, as in pandiwa talaga. Hindi rin sila masyadong pumapansin.

Natuwa din ako sa sinabi ng kaibigan ko tungkol dito. Sabi niya, "ang kandidato ay hindi dapat tumatakbo para mayroong magpresenta sa kanyang kurso. Ang partido ay hindi dapat nabuo dahil kayo ay pareho lamang ng kurso. Ang kandidato ay tumatakbo dahil alam niyang may magagaw siya para sa kanyang kapwa at kayang nasaskupan". MAPWERSA! Pwede na pang-Meeting de Avance  na magaganap bukas ng alas diyes ng umaga, na hindi ko madadaluhan dahil mayroon akong klase, na siya ring aking ikinaiinis. Tama nga naman ang sabi niya. May punto din.

Hmm..Walang ibang kandidato pa ang lumapit sa akin para sila'y iboto maliban nalang sa mga kaibigan kong tumatakbo. Kahit na hindi ko sila gaanong matatawag na kaibigan sana lang ay nilapitan nila ako, kinumbinse kung bakit sila ang dapat kong iboto. Hindi nila alam baka magbago ang isip ko. Siguro, naisip lang nila ay hindi gaanong makaapekto ang boto ko. Pwes nagkakamali sila. Mga alagad, wag silang iboto. Joke! Hindi naman talaga ako ganoon kasikat sa aming kolehiyo kaya siguro nila naisip iyon.

Medyo umaga na at nasusunog na rin ang aking kilay kaya tatapusin ko ang post na ito sa akin kakornihan:

Bigla akong napadaan sa isa sa aking mga kaibigan na tumatakbo din. Johara pala name niya at wala na akong paki ngayon sa pagko-code name. Di na importante ngayon.

J: Tian, vote for me ha?
Ako: I won't vote for you.

[napa-sad face si Johara]

Ako: I won't [just] vote for you. I'll campaign for you.

Ses! Mais festival talaga! hahaha. Sige hayaan na ninyo akong tumawa. Iiyak na ako mamaya. Hindi pa pala ako nakapag-aral sa pasulit namin. Patay!

0 investigated:

Post a Comment

Please comment now or else...(nah..nothing's really gonna happen)

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...